MANILA, Philippines - Kasong robbery extortion ang isinampa ng isang bagitong pulis laban sa anim na barangay tanod makaraang iligal na singilin umano siya ng parking fee ng P20 ng walang resibo at tangayin umano ang kanyang P30,000 cash at cellular phone, kahapon ng madaling-araw.
Kinasuhan ni PO1 Simeon Suan, nakatalaga sa Regional Police Intelligence Operations Unit-NCRPO, ang mga barangay tanod ng Brgy. 192 Zone 20 Pildera 1, na sina Teodoro Geronimo, 42, Barangay Ex-O; Jonas Bontigao, 23; JC Halle Dimzon, 18; Brigido Ellorino, 33 at Michael Panugaling.
Nagsampa naman ang mga barangay tanod ng kasong oral defamation laban kay Suan habang nagsampa si Geronimo ng kasong physical injuries laban sa live-in partner ng pulis na si April Abaca matapos umano siyang sampalin nito.
Sa ulat ng pulisya, ipinarada ni Suan, kasama si Abaca, ang kotse niyang Nissan Sentra (PNB-208) malapit sa barangay hall ng Brgy. 192 sa may NAIA Road, Pasay. Dito siya nilapitan ng tanod na si Bontigao at siningil siya ng parking fee na P20. Nagbayad naman umano ang pulis ngunit wala namang maipakitang parking ticket o resibo si Bontigao kaya nagresulta ito sa pagtatalo ng dalawa.
Dito na sumali ang lima pang tanod kung saan nagpakilala na si Suan na pulis. Sa kabila nito, nagtulong-tulong umano ang mga tanod upang kaladkarin si Suan papasok sa kanilang barangay hall kung saan napunit umano ang kanyang damit at nawala ang dala niyang pera at cellular phone. Tumulong naman si Abaca sa kinakasama kaya nasampal si Geronimo.
Dinala naman ng mga tanod sina Suan at Abaca sa Pasay City police station kung saan nagsampa ng kani-kaniyang kaso ang magkabilang kampo.