2 kawani ng SeaOil, tiklo sa pagnanakaw
MANILA, Philippines - Timbog ang dalawang empleyado ng kompanya ng langis matapos na maaktuhang nagnanakaw ito mula sa kanilang suplay sa lungsod Quezon.
Sila Norman Beraquit, driver, at Bernardi Seneres Jr., auto electrician ay naaktuhang sinisipsip ang langis mula sa kanilang delivery truck ng Seoil Philippines Inc.
Ipinagharap na ng kasong qualified theft sa tanggapan ng Quezon City Prosecutors Office ang dalawa.
Ayon sa report, narekober sa mga suspect ang Mitsubishi Canter (RGK-176) ng kompanya, dalawang containers ng 40 litro ng diesel na nagkakahalaga ng P1,852, isang hose na ginagamit panipsip ng langis at mga oil lubricant.
Sa imbestigasyon, natimbog ang mga suspect makaraang isang impormasyon ang natanggap ng kompanya mula sa babaeng caller na sa unang quarter pa lamang ng 2010 ay nakikita na niya ang delivery truck na nakaparada sa kahabaan ng Mindanao Avenue.
Mula dito, ayon pa sa impormasyon ay sinisipsip ng mga lalakeng may dala ng truck ang lamang langis nitong nasa tangke saka isinasalin sa ibang containers.
Sinabi din ng babae na ang mga nasabing empleyado ay ibinibenta ang langis sa isang alyas “Negro” at “Pandak.”
Dito na nagpasya ang kompanya na humingi ng saklolo sa pulisya at binuntutan ang dalawang sasakyan kung saan ang plaka ay ibinigay ng impormante.
- Latest
- Trending