Mag-asawa kritikal sa taga ng kaalitan

MANILA, Philippines - Kapwa nasa kritikal na kalagayan ang isang mag-asawa matapos silang pagtatagain ng kanilang kaalit, kamakalawa ng gabi sa Las Piñas City.

Nilalapatan ng lunas sa Perpetual Medical Center ang mga biktimang sina Jose at Perla Ejercito, ng Perlas Compound, Carmencita Village, Admiral, Brgy.Talon 3, ng nabanggit na siyudad sanhi ng tinamong mga taga sa katawan. Pinaghahanap naman ang suspect na si Edgardo Blanco.

Sa report ng Las Piñas City Police, naganap ang insidente dakong alas-6:30 ng gabi habang naglalakad ang mag-asawa nang salubungin ang mga ito ng suspek na armado ng jungle bolo at walang sabi-sabing winasiwas sila ng taga.

Tumigil lamang ang pananaga ng suspek ng dumating ang mga pulis saka mabilis na tumakas. Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente, gayunman sinasabing matagal na umanong kaalitan ng suspect ang mag-asawa.   

Show comments