MANILA, Philippines - Iniutos na kahapon ni PNP chief Director General Raul Bacalzo ang pagpapaigting sa seguridad kaugnay ng paggunita sa Semana Santa sa susunod na linggo.
Sinabi ni Bacalzo, partikular na binigyan niya ng instruksyon si NCRPO director Nicanor Bartolome na paigtingin pa ang pagpapatupad ng checkpoint at police visibility patrol operations sa Metro Manila.
Binigyan na rin ng direktiba ni Bacalzo ang mga Regional at Provincial Police Directors na tiyakin ang seguridad hindi lamang sa Semana Santa kundi sa buong summer season lalo na sa mga lugar na dinarayo ng mga turista.
Ipatutupad rin ang ‘Oplan Sita’ at ‘Oplan Bakal’ kung saan kukumpiskahin ang mga armas na walang lisensya lalo na sa mga pampublikong lugar.
Ayon kay Bacalzo, lumagda na rin siya ng Memorandum of Agreement sa PADPAO (Philippines Associations of Detective and Protective Agency Operators) at Practical Shooting Association para sa mga security guards upang magsilbing force multiplier sa deployment ng mga pulis umpisa sa Lunes Santo (Abril 18) hanggang sa Abril 24.
Samantalang makikipagkoordinasyon rin ang mga regional directors ng PNP sa mga mall owners at shop owners para payagan ang mga pulis na makalapit sa mga establisyemento kaugnay ng pagpapaigting ng seguridad.
Sa panig naman ni Bartolome, sinabi nito na umpisa ngayong araw ay magde-deploy ang NCRPO ng Motorized Anti-Crime Support Officers (MASCO) sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila na dinarayo ng mga publiko kabilang ang bisinidad ng mga simbahan para sa Visita Iglesia.
Idinagdag pa nito, na kabilang sa mahigpit na babantayan maliban sa mga bus terminals ay ang mga paliparan, MRT at LRT station.