MANILA, Philippines - Tinututukan ngayon ng pulisya ang anggulong miyembro ng sindikato ng iligal na droga ang nasa likod ng pagpaslang sa isang barangay chairman makaraang pasukin at pagbabarilin ito sa loob ng kanyang bahay, kamakalawa ng gabi sa Pasay City.
Nagtamo ng maraming tama ng bala sa katawan ang biktimang nakilalang si Rolando Tambangan, 38, chairman ng Brgy. 185 Zone 19, at naninirahan sa no. 46 R. Higgins St., ng naturang lungsod.
Sa ulat ng Pasay police, nagkakape sa balkonahe ng kanyang bahay ang biktima dakong alas-7:30 ng gabi nang pumasok ang dalawang hindi nakilalang salarin na kapwa nakasuot ng bonnet.
Hindi na nakaiwas ang biktima nang agad na piputukan ito ng bala ng mga salarin saka mabilis na tumakas matapos matiyak na wala nang buhay si Tambangan. Narekober na lamang ng mga imbestigador ang 11 basyo ng bala ng kalibre .45 baril.
Sa imbestigasyon, naging mahigpit umano ang kampanya ng biktima sa iligal na droga sa kanilang barangay kung saan ilang drug pusher at adik na ang naipakulong nito.
Posible umanong nasaktan ng husto ang operasyon ng sindikato ng iligal na droga na nag-ooperate sa lungsod kaya ipinalikida ang biktima.