MANILA, Philippines - Tiniyak ng Light Rail Transit Authority (LRTA) na magiging fully operational na ang serbisyo ng kanilang mga tren mula sa Balintawak at Roosevelt Station, Quezon City hanggang sa Baclaran, Parañaque City, bukas, Abril 11.
Ayon kay LRTA Administrator Rafael S. Rodriguez, handa na ang dalawang istasyon nito para magserbisyo sa publiko matapos ang mahigit na dalawang buwang masusing evaluation at enhancement ng kanilang operational procedures at safety requirements.
Matatandaang pansamantalang natigil ang operasyon ng tren sa Balintawak at Roosevelt Stations matapos ang aksidenteng naganap sa Roosevelt noong Pebrero 18. Nasundan pa ito ng ilang insidente ng aberya ng mga tren.
Ani Rodriguez, talagang pinaglaanan ng LRTA ng panahon ang pagsusuri sa kanilang mga tren upang matiyak na hindi na mauulit pa ang naturang insidente at maihahatid ang kanilang mga pasahero ng ligtas sa kanilang mga destinasyon.
Kaugnay nito, nagpalabas na rin umano ng direktiba si Rodriguez para sa pagpapatupad ng karagdagang safety measures upang hindi na maulit ang nangyaring aksidente sa Roosevelt station na nagbanggaan ang dalawang tren.