Dayuhang dawit sa droga, tututukan ng BI
MANILA, Philippines - Dahil na rin sa ilang insidente ng pagkaka-aresto sa mga Pinoy na ginagawang drug mules at ginagamit ang Pilipinas bilang transhipment ng iligal na droga ng mga sindikatong kinasasangkutan ng mga banyaga, inilunsad ng Bureau of Immigration ang mas pinaigting na pagtunton at paghabol sa mga alien na pinaniniwalaang nasa ganitong aktibidades.
Sa direktiba ni BI Commissioner Ricardo A. David, sa anti-illegal drugs unit na nasa ilalim ng BI Intelligence Division, pinatututukan nito ang paghahanap sa mga dayuhang nakapasok sa bansa na posibleng miyembro ng Chinese drug ring at West African drug syndicates (WADS).
Inatasan din ni David si Atty. Maria Antonette Bucasas-Mangrobang, acting BI intelligence chief, na makipag-ugnayan sa NBI PDEA at Philippine National Police (PNP) para sa pagdakip sa mga the foreign drug traffickers na nakikipagsabwatan sa mga Pinoy sa kanilang iligal na operasyon.
Kabilang din sa kautusan ni David kay Mangrobang na makipag-ugnayan din sa police attachés ng iba’t ibang embahada na nakabase sa bansa upang matukoy ang lawak ng operasyon ng mga sindikato.
Ipinabubusisi na rin ni David sa BI Legal officers ang visa applications ng mga Tsino at West African na nakakuha ng resident visas para makapanatili sa bansa matapos makapasok bilang turista.
- Latest
- Trending