Bahay-ampunan nasunog, 16 paslit nailigtas

MANILA, Philippines - Nailigtas sa tiyak na kapahamakan ang 16 na bata na naninirahan sa isang bahay ampunan makaraang matupok ang isang bahagi nito sa sunog na naganap kamakalawa ng gabi sa Pasay City. Nabatid sa Bureau of Fire Protection-Pasay City na pawang may mga edad na 5 hanggang 17-taong gulang ang 12 batang babae at apat na lalaki na nakaligtas sa natupok na Social Development Center Building na nasa compound ng DSWD sa Sun Valley, NAIA Road ng naturang lungsod.

Ayon sa ulat, dakong alas-8:30 ng gabi nang sumiklab ang apoy sa ikalawang palapag ng gusali habang nag-uumpisa nang matulog ang mga bata sa ampunan.

Naging alerto naman ang guwardiyang si Jonathan Rubio­ nang marinig na sumabog ang mga ilaw sa gusali kaya agad nitong pinatay ang circuit breaker na nagsusuplay ng kuryente sa gusali. Ginabayan naman ng mga tauhan ng ampunan ang mga batang nasa ampunan palabas sa natutupok na gusali kaya walang nasaktan sa mga ito. Dakong alas-9:45 naman ng gabi nang tuluyang maapula ang apoy na inaalam pa ng mga imbestigador ang pinagmulan.

Show comments