MANILA, Philippines - Nagkusang ipinabaklas ng Simbahang Katoliko ang itinuturing na isa sa pinakamalaking “tarpaulin billboards” sa Pilipinas matapos na mapagtanto ang panganib na dulot nito sa publiko.
Sinabi ni MMDA chairman Francis Tolentino na isang tagumpay na maituturing ang pagkawala ng billboard na nasa panulukan ng EDSA-Guadalupe-JP Rizal Street Cloverleaf interchange sa Makati City.
Itinuturing ang naturang billboard ng United Architects of the Philippines na dating pinakamalaki sa sukat na 160 ft. x 160 ft. (48 meters x 48 meters = 2,304 square meters).
Dating nakatirik ang naturang billboards sa ari-ariang sakop ng Our Lady of Guadalupe Minor Seminary at San Carlos Seminary at pag-aari ng Roman Catholic Archdiocese of Manila.
Matatandaan na epektibo ngayon ang kampanya ng MMDA na matanggal ang mga mapanganib na mga billboards sa Metro Manila na malaki ang posibilidad na magdulot ng panganib sa publiko tulad ng naganap na pagkapunit ng maraming higanteng tarpaulins at pagbagsak ng mga istruktura nang humagupit ang bagyong Milenyo sa bansa noong 2006.
Ayon pa sa datos ng MMDA, maraming mga motorista, partikular na ang mga nakasakay ng motorsiklo ang naaaksidente sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila dahil sa pagkabaling ng atensyon sa mga higanteng billboards.