2 holdaper bulagta sa shootout
MANILA, Philippines - Bulagta ang dalawang hindi pa nakikilalang mga holdaper matapos na makipagpalitan ng putok sa mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) ilang segundo makaraang maispatang hinoholdap ang isang pampasaherong jeepney sa lungsod, iniulat kahapon.
Napag-alaman na sugatan din sa insidente ang isang Dominador Tara, driver ng Katreen Taxi (UVD-653), at pasahero nitong si Allan Michael Reyes, matapos na tamaan ng ligaw na bala buhat sa engkwentro.
Sinasabing ang mga suspect ay nasabat ng District Police Investigation and Operatives Unit (DPIOU) ng QCPD habang nagpapatrulya sa kahabaan ng Commonwealth Avenue, partikular sa North Zuzuarregui, Brgy. Holy Spirit ganap na alas-7:30 ng gabi.
Napuna umano ng mga operatiba ang komosyon sa isang pampasaherong jeepney kung saan hinoholdap pala ito ng mga suspect dahilan para lapitan ito ng mga awtoridad. Papalapit pa lamang ang mga pulis ay pinaputukan na sila ng baril ng mga suspect kaya napilitan na ring gumanti ng putok ang mga kagawad ng pulisya na ikinatama sa dalawang suspect.
Tiyempo namang dumadaan ang taxi ni Tara kaya sila tinamaan ng ligaw na bala.
- Latest
- Trending