Bagets todas sa frat war

MANILA, Philippines - Tinutugis ng pulisya ang grupo ng fraternity na nagyayabang na naitumba ang isang 16-anyos na binatilyo na sinasabing kabilang sa mga naka­istambay na kabataan sa bisinidad ng Malate, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Sinabi ni P/Insp. Armand Macaraeg, hepe ng Manila Police District-Homicide Section, na narinig ng mga kasamahan ng biktima ang isinigaw ng isa sa miyembro ng West Side Tuazon Gang  ang mga katagang “one man down” matapos bumu­lagta si John Paul Tadeo ng #1979 F. Muñoz, Malate, Maynila.

Kabilang sa itinuturong suspect ay sina Marlon Andres, alyas “Alon Negro”, 20, ng #2050 F. Muñoz St., Malate, Manila; Rolando Jubilag Jr., 18; Reagan Querubin alyas “Tisoy”, 20; kapwa nakatira sa C. Tuazon St., at si Jimboy Colinares alyas “Jayjay Aquino”,19, ng #1254 Gonzalo St., Malate, na pawang mi­yembro ng West Side Tuazon­ Gang.

Sa ulat ni PO3 Gio­vanni Valera, idineklarang patay ang biktima noong Sabado sa Phi­lippine General Hospital dahil sa tinamong bala sa likod ng ulo.

Lumilitaw na nakais­tambay ang grupo ng bik­tima sa loob ng co­vered court sa panulukan  ng Mataas na Lupa St. at F. Muñoz Sts. nang biglang dumating at magpaputok ng baril ang mga suspek

Isang bala ang sumapul sa ulo ng biktima na nasundan pa ng sunud-sunod na putok ng baril kaya nagpulasan ang mga kabataan.

Show comments