Bagets todas sa frat war
MANILA, Philippines - Tinutugis ng pulisya ang grupo ng fraternity na nagyayabang na naitumba ang isang 16-anyos na binatilyo na sinasabing kabilang sa mga nakaistambay na kabataan sa bisinidad ng Malate, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Sinabi ni P/Insp. Armand Macaraeg, hepe ng Manila Police District-Homicide Section, na narinig ng mga kasamahan ng biktima ang isinigaw ng isa sa miyembro ng West Side Tuazon Gang ang mga katagang “one man down” matapos bumulagta si John Paul Tadeo ng #1979 F. Muñoz, Malate, Maynila.
Kabilang sa itinuturong suspect ay sina Marlon Andres, alyas “Alon Negro”, 20, ng #2050 F. Muñoz St., Malate, Manila; Rolando Jubilag Jr., 18; Reagan Querubin alyas “Tisoy”, 20; kapwa nakatira sa C. Tuazon St., at si Jimboy Colinares alyas “Jayjay Aquino”,19, ng #1254 Gonzalo St., Malate, na pawang miyembro ng West Side Tuazon Gang.
Sa ulat ni PO3 Giovanni Valera, idineklarang patay ang biktima noong Sabado sa Philippine General Hospital dahil sa tinamong bala sa likod ng ulo.
Lumilitaw na nakaistambay ang grupo ng biktima sa loob ng covered court sa panulukan ng Mataas na Lupa St. at F. Muñoz Sts. nang biglang dumating at magpaputok ng baril ang mga suspek
Isang bala ang sumapul sa ulo ng biktima na nasundan pa ng sunud-sunod na putok ng baril kaya nagpulasan ang mga kabataan.
- Latest
- Trending














