Tinedyer inutas sa computer shop
MANILA, Philippines - Napatay ang isang bagets habang dalawa nitong kasamahan ang nasugatan makaraang pagbabarilin ng ‘di pa kilalang gunman sa loob ng computer shop sa Quezon City kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ni P/Supt. Ronnie Montejo, hepe ng Batasan Police Station 6, ang napatay na si Daniel Mark Gelarpez, 19, ng # 3140 Pinagkaisa Street, Barangay Commonwealth, Quezon City.
Si Gelarpez ay idineklarang patay sa Malvar Hospital dahil matapos tamaan ng bala sa ulo.
Habang sugatan naman sina Jay-ar Diocton, 21, ng Purok 17, Riverside St., Brgy. Commonwealth at Marvin Madela, 12, ng #88 Bicol Area Republic St., Brgy. Holy Spirit sa Quezon City.
Ayon kay PO3 Alden Lasam, naganap ang pamamaril sa computer shop sa #21 Commonwealth Ave., Brgy. Holy Spirit bandang ala-una ng madaling-araw.
Sinasabing abala sa video games ang mga biktima nang pumasok at mamaril ang gunman kung saan tinamaan naman ng ligaw na bala sa tuhod si Madela at sa tiyan si Diocton.
Sinisilip naman ng pulisya ang anggulong frat war o may nakaalitan ang biktima at nadamay lamang sina Madela at Diocton.
- Latest
- Trending



















