Mag-asawa, 3 anak patay sa sunog
MANILA, Philippines - Kamatayan ang sumalubong sa mag-asawa at tatlo nitong anak makaraang makulong sa nasusunog nilang tahanan sa Caloocan City kahapon ng madaling-araw.
Ayon kay Senior Fire Officer 4 Randy Resurreccion, chief arson investigator, nakilala ang mag-asawa na sina Hilario Espayos, 48 at Pinky Espayos, 37; tatlong anak na sina Beverly, 15; Patrick, 13; at si Bryan Espayos, 11.
Sinasabing apat sa pamilya ay natagpuang patay sa loob ng palikuran kung saan umaagos pa ang tubig sa paniniwalang masasagip sila.
Samantala, si Patrick na pinaniniwalaang tinangkang sirain ang sementadong pader ng kusina ay natagpuang sunog ang katawan.
Sa inisyal na pagsisiyasat, naganap ang trahedya ganap na alas-2:26 ng madaling-araw sa loob ng panaderya na pag-aari ng pamilya Espayos sa Nazareth Street sa Sitio Malaria, Barangay 185, Caloocan City.
Nabatid na ang panaderya ay nasa harap ng bahay ng pamilya Espayos kung saan nagsisilbing entrance at exit ng bahay ng mga biktima at walang maaring pagdaanan para makalabas.
Nadamay din ang isang karinderya at tindahan kung saan naapula ang sunog bandang alas-3:38 ng madaling-araw habang aabot naman sa P.8 milyong halaga ng ari-arian ang napinsala.
Pinaniniwalaang kandila na naiwan sa altar ang pinagmulan ng apoy na tumupok sa mga kabahayan.
- Latest
- Trending















