Bebot tumilapon sa motorsiklo, nagulungan pa ng Revo

MANILA, Philippines - Patay ang isang babae matapos magulungan ng sa­sakyan nang tumilapon ito sa minamaneho nitong motorsiklo kamakalawa ng gabi sa Malabon City.

Nakilala ang nasawi na si Catherine Antonio, 30, ng Brgy. Muzon ng nabanggit na lungsod.

Pinaghahanap naman ng pulisya ang isang Mauricio Rato Jr., driver ng Toyota Revo (XEJ-873).

Sa report ng Malabon City Police Traffic Enforcement Unit, naganap ang insidente dakong alas-10:45 ng gabi sa kahabaan ng Sanciangco St., Brgy. Niugan ng nabanggit na siyudad.

Minamaneho ng biktima ang isang Honda XRM UO-6213 at habang binabagtas nito ang nasabing lugar, biglang nag-overtake ito sa isang pedicab.

Sumabit ang manibela ng biktima sa pedicab na naging dahilan upang tumilapon ito subalit minalas na sa pagtilapon ay magulungan ng Revo na minamaneho ni Rato.

Matapos ang insidente ay dinala ang biktima sa nabanggit na pagamutan ngunit hindi na rin ito nakarating ng buhay habang nag-iwan ng lisensiya si Rato bago mabilis na su­mibad dala ang Revo.

Show comments