Recruiter ng binitay na OFW hindi nawawala - NBI
MANILA, Philippines - Iginiit kahapon ng National Bureau of Investigation (NBI) na alam nila ang galaw ni alyas “Tita Cacayan” o “Mapet Cortez”, ang recruiter ng nabitay na si Sally Ordinario-Villanueva, at hindi ito nawawala, taliwas sa mga ulat na hindi na ito makita.
Bagamat kasabay nito ay kinumpirma ni NBI deputy director for Intelligence Services head, Atty. Ruel Lasala, na hindi sumipot sa preliminary investigation na isinagawa sa Department of Justice (DOJ) noong Lunes sa kasong Human Trafficking at Large Scale Illegal Recruitment at itinakda ang susunod na hearing sa Abril 4.
Sa report ng NBI-Tuguegarao, Cagayan, noong nakalipas na dalawang linggo ay nakita pa si Cacayan sa Alicia, Isabela.
Ipinaliwanag ni Lasala na posibleng nagtatago lamang si Cacayan dahil sa pagbitay sa tatlong OFWs kabilang na ang kanyang na-recruit bilang ‘drug mule’ na si Ordinario-Villanueva.
Paglilinaw din ni Lasala, si Cacayan ay dinakip noong Pebrero ng NBI agents sa kanyang lalawigan dahil sa pagre-recruit kay Villanueva subalit walang warrant of arrest laban kay Cacayan kaya hindi ito puwedeng ikulong hanggat hindi nagde-desisyon ang korte na mag-isyu ito ng warrant of arrest sakaling isampa na ng DOJ ang kaso.
Aminado rin ang NBI na hindi pa nila tukoy ang recruiters ng dalawa pang binitay na umano’y drug mules na sina Elizabeth Batain at Ramon Credo.
Gayunman, patuloy at hindi umano sila nagpapabaya sa pagsasagawa ng operation laban sa mga illegal recruiters dahil na rin sa mga nabunyag na maraming nabiktima ang mga miyembro ng West African Drug Syndicate (WADS) na nakulong sa China at iba pang bansa.
- Latest
- Trending