Mag-asawa kritikal sa pamamaril
MANILA, Philippines - Kapwa nasa kritikal na kondisyon ang isang mag-asawa makaraang pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakilalang salarin na hinihinalang mga holdaper habang naglalakad pauwi ng bahay, kamakalawa ng gabi sa Pasay City.
Nakilala ang mga biktima na sina Ebarsildes Advincula, 62, at 46-anyos nitong misis na si Luzviminda, kapwa naninirahan sa Lawaan St., ng naturang lungsod. Nagtamo ang babae ng tama ng bala sa ulo habang sa katawan naman ang mister nito.
Sa ulat ng Pasay police, kapwa naglalakad sa Kamagong St. ang mag-asawa dakong alas-8:30 ng gabi nang harangin ng dalawang salarin at tinangkang hablutin ang shoulder bag ni Luzviminda na naglalaman ng hindi pa mabatid na halaga ng salapi na kita nito sa negosyong RTW (Ready to Wear).
Posible umanong nanlaban ang mag-asawa kaya pinagbabaril ang mga ito ng mga salarin bago mabilis na tumakas. Bagama’t pagnanakaw ang tinitingnang motibo ng pulisya, hindi rin inaalis na negosyo ang dahilan ng tangkang pagpatay.
- Latest
- Trending