Seaman utassa riding in tandem
MANILA, Philippines - Butas ang mukha ng isang seaman makaraang pagbabarilin ng riding in tandem sa harap mismo ng kanyang tahanan sa lungsod Quezon kamakalawa.
Kinilala ni PO2 Loreto Tigno, ang biktima na si Rommel Depositario, 23, ng FF Extension, Sitio Mabilog, Brgy. Culiat, Quezon City.
Ayon kay Tigno, dead on the spot sa lugar ang biktima dahil sa dalawang tama ng bala sa mukha matapos ang pamamaril na naganap dakong alas-5:15 ng hapon sa harap ng kanyang bahay.
Ayon sa testigo, ang mga suspect na sakay ng Suzuki 125 Shogun na natatakpan ang plaka ay mabilis na tumakas makaraan ang pamamaril. Tanging ang back rider lamang umano ang may dala ng baril at natatakpan rin ng tela ang mukha.
Napag-alaman na kasalukuyan umanong nakikipag-kwentuhan ang biktima sa mga kaibigang sina Aladin Uzman at Herbet Lima nang sumulpot ang mga suspect at pagbabarilin ang una ng malapitan saka mabilis na tumakas patungong Tandang Sora.
Nabatid ng pulisya sa kapatid ng nasawi na nakilalang si Liza na bago ang insidente ay ipinagtapat umano sa kanya ng kapatid na may girlfriend itong taga Bataan na madalas na humihingi ng pera sa tuwing magkikita sila sa Cubao.
Nitong Sabado lang anya ay nagkita ang biktima at syota nito sa Cubao, subalit nagalit umano ang babae ng araw na yon dahil hindi naibigay ng kanyang kapatid ang hinihingi nitong P3,000.
- Latest
- Trending