Maglola patay sa sunog
MANILA, Philippines - Nasawi ang isang 64-anyos na lola at ang kanyang 9-anyos na apong lalaki makaraang maipit sa loob ng nasusunog nilang bahay kahapon ng hapon sa Pasay City.
Nakilala ang mga nasawi na sina Adela Miranda, at ang apo na si Prince Miranda, isang special child. Nabatid na natagpuan ang bangkay ng lolang si Adela sa sala ng bahay habang si Prince naman ay natagpuan sa kama sa loob ng kuwarto nito.
Sa inisyal na ulat ng Bureau of Fire Protection-Pasay City, dakong alas-3 ng hapon nang sumiklab ang apoy sa mga kabahayan sa may Lucban St. malapit sa kanto ng Libertad at Taft Avenue, sa naturang lungsod.
Umabot sa ikatlong alarma ang naturang sunog kung saan natupok ang bahay ng pamilya Miranda at ilang kabahayan. Nagawang maisailalim sa “under control” ang sunog dakong alas-4:35 na ng hapon.
Hinihinala naman ng mga arson investigators na faulty electrical wiring ang sanhi ng naturang sunog.
- Latest
- Trending