MANILA, Philippines - Isang 73-anyos na lolo, na may sakit sa lapay at isang binatang hiniwalayan ng gf ang kapwa nagpatiwakal sa magkahiwalay na lugar sa Marikina City at Quezon City.
Patay na si Jaime Labanon, residente ng Camacho 2, Brgy. Nangka, Marikina City nang matagpuan ng kanyang mga kaanak dakong alas-5:30 ng madaling-araw habang nakabigti gamit ang sintas ng sapatos.
Nabatid pa sa kaanak ng nasawi na madalas umano itong maglitanya na ayaw na nitong maging pabigat pa sa kanila dahil sa sakit nito sa lapay. Humingi pa umano ito ng dispensa sa kanila dahil nakakapagpabigat pa umano siya sa kanilang pamilya. Wala naman umanong suicide note na iniwan ang nasawi para sa pamilya.
Samantala, dahil sa hindi matanggap ang paghihiwalay nila ng kanyang girlfriend, minarapat na isang 20-anyos na binata na tapusin ang kanyang buhay sa pamamagitan ng pagbigti sa sarili sa lungsod Quezon kahapon.
Nakilala ang nasawi na si Aries Jordan Estrada, tubong Pangasinan, at residente sa Construction St., SSS Housing, North Fairview sa lungsod.
Huling nakitang buhay ang biktima ng kanyang kasintahang si Carissa, 18, 3rd year Nursing student sa Fatima ganap na alas-11 ng gabi habang naglalakad pauwi sa bahay.
Sinasabing may isang linggo na umanong hindi nag-uusap ang magkasintahan matapos magkatampuhan, subalit nang subukang mag-text ni Carissa ay hindi nag-reply ang biktima.
Diumano, madalas na nagbabanta ang nasawi na magpapakamatay sa tuwing mag-aaway sila ng kanyang kasintahan o kaya ay hindi sila nag-uusap nito.
Sa kasalukuyan, patuloy ang pagsisiyasat ng pulisya sa nasabing insidente.