Sanggol itinapon ng ina, pinapak ng mga daga
MANILA, Philippines - Kalunus-lunos ang sinapit ng isang bagong panganak na lalaking sanggol na itinapon ng kanyang ina sa isang basurahan kung saan doon ito tuluyang pinapak ng mga daga sa Malabon City, kahapon ng umaga.
Tinatayang ilang araw nang patay ang sanggol na nang matagpuan ay nakakabit pa ang umbilical cord sa isang basurahan sa Kagitingan St., Brgy. Muzon ng nasabing lungsod dakong alas-7:00 ng umaga.
Ayon pa sa pahayag ng ilang residente, ilang araw na silang nakakaamoy ng mabaho sa kanilang lugar ngunit dahil malapit lamang sa basurahan ay inakala ng mga ito na kasama ito sa nangangamoy na basura.
Bago madiskubre ang sanggol ay napansin din ng mga residente na dumami ang daga na pabalik-balik sa naturang basurahan hanggang sa isa sa residente rito ang nakapansin sa patay na beybi.
Agad na ipinagbigay- alam ng mga residente ang insidente at sa isinagawang pagsisiyasat ng pulisya, lumalabas na ang kaliwang kamay nito ay halos ubos na dahil sa ginawang pagngatngat ng mga daga.
- Latest
- Trending