Habang lulan ang may 400 pasahero: Bagon ng MRT kumalas
MANILA, Philippines - Muling binalot ng takot ang daang mga pasahero ng Metro Rail Transit (MRT-3) makaraang isang couch ng tren ang kumalas habang binabagtas ang kalagitnaan ng riles sa EDSA patungong Kamuning Station sa lungsod Quezon kahapon.
Ayon sa ulat, pasado alas-7:58 ng umaga nang mangyari ang insidente habang ang nasabing bagon na may biyaheng North Avenue patungong Taft ay nagkaroon ng aberya pagsapit sa Kamuning Station.
Sinasabing nasa kalagitnaan ng naturang mga istasyon nang biglang kumalas ang isa sa mga couch nito dahilan para biglang huminto ito sa lugar.
Ayon sa ulat, tinatayang aabot sa 400 pasahero ang sakay ng bagon kung saan marami sa mga ito ang nagpasyang maglakad na lamang sa riles ng tren patungo sa nasabing istasyon sa takot, habang ang iba naman ay nagtiyaga na maghintay na maihatid sila nito.
Samantala, aminado naman ang pamunuan ng MRT na gamit na gamit ang kanilang mga tren kung kaya nagkakaroon ng problema gaya ng nangyari sa Kamuning station.
Ayon kay Maria Lysa Blancaflor, public relations officer ng MRT, bagamat araw-araw ay sinusuri nila ang mga tren, hindi pa rin maiwasan na makaranas ng problema ang mga ito dahil sa dami ng pasahero.
Base sa inisyal na imbestigasyon ng MRT, nakalas ang coupler ng tren pero agad na itong sinusuri ng Philippines maintenance provider.
Napansin na lamang daw ng train operator sa kanyang monitor na dalawang car o bagon na lamang ang umaandar at naiwan ang isa sa pagitan ng Kamuning at Quezon Avenue Stations.
Isa rin aniya sa mga anggulong tinitingnan ngayon ng MRT ay ang over loading dahil nang mangyari ang insidente ay nasa 400 ang pasahero nito na dapat sana ay nasa 100 lamang na siyang kapasidad ng bawat bagon.
Nabatid na may sampung taon na ang mga tren ng MRT at second-hand pa itong nabili mula sa bansang Czech Republic.
Naibalik naman agad ang operasyon ng MRT ganap na alas-8:12 ng umaga.
- Latest
- Trending