MANILA, Philippines - Bunsod na rin ng problema sa mga illegal terminal at barker, naglunsad na ng all out war ang pamunuan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) upang buwagin at arestuhin na ang mga ito.
Ayon sa MMDA, pakikilusin na nila ang kanilang Sidewalk Clearing Operation Group (SCOG) upang magsagawa ng clearing operation.
Aminado si Atty. Emerson Carlos, Assistant General Manager for Operation ng MMDA na hindi kayang sawatain ng kanilang mga traffic enforcers ang mga illegal terminal at paghuli sa mga barker kaya’t ang SCOG na nila ang mamamahala upang linisin ang bawa’t kanto ng mga lansangan na madalas na pinamumugaran ng mga illegal terminal at mga pasaway na barker.
Sinabi ni Carlos na ang lokal na pamahalaan ang dapat nagsasagawa ng paglilinis sa mga illegal terminal at paghuli sa mga barker subalit tila hindi umano naipapatupad.
Idinugtong pa ni Carlos na hangga’t hindi nasasawata ang pag-usbong ng illegal terminal, hindi rin maaalis sa kalye ang mga barker kaya’t nahihirapan ang kanilang mga traffic enforcers na mailagay sa ayos ang daloy ng trapiko.
Sa oras aniya na seryosohin ng MMDA ang paglilinis sa mga illegal terminal, posibleng makabangga nila ang mga lokal na opisyal, barangay at pulis na nagbibigay ng proteksiyon at tumatanggap ng “lagay”.
Ngunit, handa naman ang MMDA laban sa mga protector ng illegal terminal at mga barker, dahil sasampahan nila ito ng kaukulang kaso.