MANILA, Philippines - Patay ang isang mason na nag-amok habang sugatan ang isa sa kanyang inatake ng saksak, sa loob ng isang construction site, sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Hindi na naisalba pa ng mga doktor ang buhay ni Danilo De Lumen, 50, may-asawa, tubong Daraga, Albay at stay-in sa Phil. Cold Storage Inc. sa Pier 18, North Harbor, Tondo, Maynila habang ginagamot sa Manila Doctor’s Hospital naman si Joey Llona, 37, may-asawa, foreman ng Momentum Construction Deve lopment Inc., at nakatira sa Brgy. Pagbay, Antipolo City.
Isinuko naman ng security guard na si Alejandro Montes, 27, ng Domster Security Agency at nakatalaga sa construction site ng Phil. Storage Inc. ang sarili matapos niyang mabaril si De Lumen nang mag-amok at manghalihaw ng saksak sa iba pang mga kasamahan.
Sa imbestigasyon ni SPO2 Edgardo Ko ng Manila Police District-Homicide Section, dakong ala-1:30 ng hapon noong Sabado nang maganap ang insidente sa loob ng construction site.
Nabatid na habang nagbibigay ng instruction ang foreman na si Llona sa isang Jeffrey Perfecto ay sumulpot si De Lumen at biglang hinawakan umano ang braso ni Llona at sinaksak na tumama sa kaliwang bahagi ng balikat.
Nakatakbo pa ang sugatang si Llona at humingi ng saklolo sa mga trabahador at sa puntong iyon ay nagwala na diumano si De Lumen at inatake na umano ang iba ng saksak subalit maagap na rumesponde si Montes, hawak ang kaniyang service na ARMSCOR shotgun at pinaputukan ito.