MANILA, Philippines - Patay ang isang miyembro ng Judicial and Bar Council (JBC) matapos na sumalpok sa isang puno ang minamaneho nitong sports utility vehicle (SUV) sa Mandaluyong City kahapon ng umaga.
Kinilala ang nasawi na si Condrado J. Castro, 53, ng Pres. Roxas St., Industrial Village, Marikina City.Siya ang pinakabatang miyembro ng JBC.
Ayon sa report, dakong alas-5:15 ng madaling- araw nang maganap ang aksidente sa kahabaan ng Ortigas Avenue, habang minamaneho ng biktima ang kanyang Toyota Fortuner (ARC-202).
Sinasabing galing ang biktima sa Pasig City at habang nasa east line ito patungo sa west direction malapit na sa La Salle, Greenhills sa San Juan, ay bigla na lang umanong rumampa ang sasakyan sa center island hanggang sa sumalpok ito sa isang malaking puno.
Paniwala ng pulisya na mabilis ang takbo ng sasakyan at sa lakas ng impact, naging sanhi upang ang kaliwang gulong nito sa unahan ay matanggal at tumilapon.
Nagpagulung-gulong din ang sasakyan ng halos 40 metro ang layo mula sa kinasalpukan at huminto lamang ng nasa ibabaw na ang gulong at wasak na wasak na.
Dahil dito, inabot ng halos isang oras ang rescue teams ng MMDA at ng Barangay Wack-Wack na agad makuha ang biktima na naipit sa loob ng sasakyan.