FEU students, kaagapay na rin ng Rizal Park
MANILA, Philippines - Nagpasiklab nitong Linggo ng umaga ang may halos 200 mag-aaral ng FEU sa naging panawagan ng National Parks Development Committee (NPDC) kaugnay sa mga volunteers na siyang magiging kaagapay ng naturang tanggapan sa pagpapa-ayos at pagpapaganda ng pinakamalaking open park sa Asya – ang Rizal Park.
Matapos na mag-alay ng bulaklak sa monumento ni Rizal kasama ni NPDC Executive Director Juliet Villegas, bitbit ng naturang bilang ng mga FEU-NSTP-BS Tourism Management students ang kanilang logo na “Luneta Park ay Ating Pagandahin, Kasaysayan at Turismoy Ating Pagandahin” kabilang ang mga walis ting-ting, garbage bag, at dustpan upang tumulong sa paglilinis ng kabuuan ng parke na kanila ring ido-donate pagkatapos.
Ayon kina Tamara Dauz at Erisu Ashitomi, 1st year students, ang kanilang agarang pagtugon sa kahilingan ng NPDC, ay bilang pagpapakita ng kanilang pagpapahalaga sa kalinisan ng kapaligiran, pagprotekta sa kalikasan at higit sa lahat ay ang adhikaing makapagbigay ng kontribusyon sa pagpreserba ng kasaysayan at kultura ng bansa.
Samantala, ayon naman kay Villegas, ang naturang civic work ay lingguhan nang gagawin sa Rizal Park sa tulong pa rin ng iba pang mag-aaral buhat sa iba’t ibang colleges at universities sa Metro Manila na siyang nagpaabot na rin ng kanilang commitment o pagtugon sa panawagan.
- Latest
- Trending