Tibay ng Angat Dam pinasusuri
MANILA, Philippines - Hiniling kahapon ni Bulacan Governor Wilhelmino Sy Alvarado kay Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino na kaagad na atasan ang pagsusuri sa katatagan ng Angat Dam sa lalawigan na iniulat na nasa ilalim ng Marikina Fault Line tulad ng deklarasyon ng Philippine Institute of Volcanology.
“Hindi natin dapat na hayaan na ang trahedya na naganap sa bansang Hapon ay maganap sa ating bansa, lalo na sa aming lalawigan na napaulat na ang Angat Dam ay nasa ilalim ng Marikina Fault Line kung may mga paraang magagawa ang pamahalaan,” dagdag ni Governor Alvarado.
Kasabay nito, pinuri ni Gov. Alvarado ang mabilis na aksyon ng Pangulo matapos na malaman na ang ilang mga baybaying-dagat ng bansa ay may banta ng tsunami na produkto ng lindol sa bansang Hapon na ang lakas ay 8.9 magnitude.
“Nakasisiyang pakinggan at makita na ang Pangulo, habang nasa kanyang state visit sa Singapore ay nag-atas kaagad sa kanyang mga tauhan na kaagad na ilikas ang libu-libong mamamayan sa mga baybaying-dagat sa bansa sa mas ligtas na lugar dahil sa banta ng tsunami,” ani Gov. Alvarado.
Hiniling ng gobernador ng Bulacan sa Pangulo na kaagad niyang atasan ang MWSS at NAPOCOR na suriin ang lakas at katatagan ng Angat Dam sa lalong madaling panahon matapos na ideklara ng Phivolcs ilang taon na ang nakararaan na ang active fault ay dumaan sa water reservoir nito.
Matatandaan na sinabi ni Phivolcs Director Rene Solidum sa isang pahayag na hindi kailangang pagtalunan pa ang isyu kundi upuan at gumawa ng konsultasyon sa mga lokal at banyagang dalubhasa para suriin at pag-aralan ang katatagan ng Angat dam laban sa 7.2 magnitude na lindol.
- Latest
- Trending