Kotse nagliyab, bahay nadamay: 6 katao natupok sa sunog sa QC
MANILA, Philippines - Kalunus-lunos ang sinapit ng isang pamilyang binubuo ng apat katao at dalawang nilang kasambahay makaraang matusta sa sunog na ang pinagmulan ay ang pagsiklab ng kanilang sasakyan at tumupok din sa kanilang bahay, kahapon ng madaling-araw sa Quezon City.
Ayon sa ulat ng Bureau of Fire Protection, halos hindi na makilala bunga ng pagkasunog ang mga biktimang sina Dr. Elson Sedilla, cardiologist sa St. Luke’s at San Juan de Dios; asawang si Dra. Susan Sedilla, pediatrician; mga anak na sina Patricia Ann, 17, 1st year college sa UP sa kursong Psychology; Janina Nicole, 21, 4th year college sa La Salle sa kursong Business Management; mga katulong na magkapatid na sina Ana at Lenlen de Leon.
Sila ay personal na kinilala ng kaanak na si Dr. Arly Santos na agad na napasugod sa naturang lugar matapos malaman ang trahedya.
Sa pagsisiyasat ng BFP, nangyari ang insidente ganap na alas-2:55 ng madaling-araw nang biglang magsiklab ang Starex van at Nissan Terrano ng pamilya Sedilla na nakaparada sa garahe sa harap ng kanilang bahay sa may #36-A Marunong Street Brgy .Central Quezon City.
Ayon kay Leonardo Mangalindan, kapitbahay ng biktima, alas-3 ng madaling-araw ay nakarinig siya ng sigaw ng paghingi ng saklolo ng mga katulong ng biktima dahil nasusunog ang kanilang kotse.
Nang tingnan niya ay nagliliyab na sa garahe at dahil hindi makalabas ang mga biktima dahil sa harap mismo nagsimula ang apoy.
Dito na nagsimulang gumapang ang apoy sa buong kabahayan at magsisigaw ng saklolo ang pamilya, pero dahil puro grills ang bintana at mga bakal nito, hindi na nagawang makalabas ng mga biktima hanggang sa tuluyang madamay sa sunog.
Tumagal ang apoy hanggang ikatlong alarma, at ideklarang fire out ganap na alas-4 ng madaling-araw. Nang isagawa ang clearing operations saka tumambad sa mga kagawad ng pamatay-sunog ang magkakatabing sunog ng bangkay ng mga biktima.
Ayon kay SFO2 Fortunato Alde, 90 porsiyento ng buong kabahayan ang nilamon ng apoy dahil gawa lamang ito sa light materials.
Sinasabing si Janina Ann ay aktibong miyembro ng swimming team ng La Salle at captain din ito ng kanilang grupo. Habang ang kapatid nitong si Patricia ay miyembro rin ng swimming team noong high school.
Bukod dito, balak na umano ng mag-asawa na lumipat ng bahay matapos na makapagpagawa sila ng bagong bahay. Ang nasunog na bahay ay balak na sana nilang paupahan o kaya ibenta, pero hindi pa nila nagagawa ang naturang plano ay nangyari na ang insidente.
Sa kasalukuyan patuloy ang pagsisiyasat ng BFP sa naturang insidente upang matukoy ang tunay na ugat nito.
- Latest
- Trending