Chinese national huli sa P17.5-M halaga ng shabu
MANILA, Philippines - Bumagsak sa kamay ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) ang isang Chinese national na nahulihan ng tinatayang 3.6 kilong shabu, kamakalawa ng hapon sa Quezon City.
Sa ulat ng NCRPO nakilala ang nadakip na si Renato Go y Ling (alyas Ato Go, Doctor Go), 49, may asawa, tubong Fukien, China at nanunuluyan sa no. 500-9 Pena Avenue, Sta. Mesa, Maynila.
Nakumpisa sa posesyon nito ang tinatayang 3.6 kilong shabu na may street value na P17.5 milyon. Narekober rin dito ang isang cellular phone na gamit nito sa pakikipagtransaksyon, P20,000 buy-bust money, at isang silver Isuzu Altera.
Base sa ulat, isang police asset ang nagsilbing poseur-buyer kung saan nadakma ng mga operatiba ng Regional Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Group (RAIDSOTG) si Go matapos na magkaabutan ng bayad sa shabu dakong alas-5:30 kamakalawa ng hapon sa tapat ng Genesis Christian School sa may Araneta Ave., Brgy. Doña Imelda, Quezon City.
Sinabi ni NCRPO chief, Director Nicanor Bartolome na ang pagkakadakip kay Go ay resulta ng ipinatutupad nilang COPLAN “Ice Meltdown” na layong malambat lahat ng malalaking isda na sangkot sa operasyon ng iligal na droga.
Si Go ang ika-10 Chinese national na naaresto ng RAIDSOTG. Nahaharap ito ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
- Latest
- Trending