500 kilo ng botcha, nakumpiska
MANILA, Philippines - Pinag-iingat ngayon ng Pasay City Veterinarian Office ang mga mamimili sa lungsod na mag-ingat sa pagbili ng karne makaraang masabat ang may 500 kilo ng double dead na karne o “botcha” sa Libertad Market kahapon ng madaling-araw.
Sa ulat ni City Veterinarian Ronaldo Bernasor, nakatanggap sila ng tip buhat sa impormante ng laganap na bentahan ng botcha sa Libertad Market sa may Primero de Mayo St., Pasay.
Sa pakikipagtulungan ng Pasay City Police, sinalakay ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan ang naturang palengke dakong alas-2 ng madaling-araw kung saan dinatnan ang mga inabandonang karne sa isang meat stall na walang bantay.
Posible umanong agad na nakatunog ang mga taong nasa likod sa pagpapakalat ng mga botcha sa pagdating ng mga awtoridad kaya agad na tumakas at iniwan na lamang ang mga karneng ilado.
Sinabi ni Bernasor na posibleng nagmula ang mga botcha sa lalawigan ng Bulacan na siyang pangunahing pinanggagalingan din umano ng double dead na karne sa iba’t ibang pamilihan sa Quezon City at Maynila.
- Latest
- Trending