MANILA, Philippines - Habang iniinda pa ang pagtaas sa presyo ng petrolyo, isang pasakit pa ang nakaamba ngayon makaraang ihayag ng partylist group na Liquefied Petroleum Gas Marketer’s Association (LPGMA) ang nakatakdang pagtataas sa presyo ng cooking gas ngayong buwan.
Sinabi ni LPGMA partylist Rep. Arnel Ty na maaaring umabot sa P1 kada kilo o P11 kada 11-kilong tangke ang itataas ng grupo na binubuo ng iba’t ibang dealers ng LPG.
Ikinatwiran ni Ty ang patuloy na kaguluhan sa internasyunal na merkado kung saan naapektuhan na rin ang inaangkat nilang suplay. Kasalukuyang may average na P620 kada 11 kilong tangke ang presyo ngayon ng LPG.
Samantala, nanawagan naman ang Department of Trade and Industry (DTI) sa mga lokal na pamahalaan na tumulong naman para matiyak na hindi aabuso ang mga negosyante at retailer sa pagtataas ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa kani-kanilang nasasakupang lugar.