Kinakasamang Pinay, 7 pa timbog: P4.2-M ransom nabawi
MANILA, Philippines - Nabuking ang pagpapakidnap ng isang babae sa kanyang kinakasama na Malaysian national nang madakip ng mga tauhan ng Manila Police District-Station 5 ang walong katao na inutusan nito, kasabay ng pagkakabawi ng P4.2 milyon na bahagi ng P10 milyon ransom money.
Iprinisinta sa mga mamamahayag ni NCRPO chief Director Nicanor Bartolome ang nabawing P4.2 milyon ransom, walong pirasong cellphone at isang .9 mm kalibreng baril buhat sa mga naarestong suspect na sina Joana Turla, 20, dating kinakasama ng biktimang si Eric Sim Chin Tong, negosyante at residente ng Mabolo St., Maysilo, Malabon City.
Kasalukuyan ding nakapiit ang mga kasabwat nito na sina Francis Turla, 27; Edel Macalinao, 36, stay-in secretary ng biktima; Marlon Lopera, 31; Felizardo Guttierez, 44; menor-de-edad na si Jeff, 17; Rolando Manuzon, 29; at Bernardo Manuzon, 38.
Nabatid kay Bartolome, na nagpanggap na inaresto umano ng mga suspect ang biktima noong Marso 6, dakong alas-4 ng hapon sa loob ng kanyang junk shop sa Malabon ng apat na kalalakihan sa pangunguna ni Lopera, sa pamamagitan ng pekeng warrant of arrest na umano’y galing sa Manila RTC Branch 17. Sumama naman ang biktima sa pag-aakalang mga awtoridad nga ang umaresto sa kanya.
Huli na nang malaman ng biktima na kinidnap siya at nakipagnegosasyon kunwari sa kanyang sekretarya na si Macalinao, hanggang magkasundo na magbayad ng P10 milyon mula sa $1.5 milyon na unang hininging ransom ng mga suspect.
Ibinaba umano ng mga kidnaper ang biktima sa may Intramuros kinabukasan matapos ang mabilis na bayaran ng ransom kung saan kaagad na nagreklamo ang biktima sa Intramuros PCP na siya ay biktima ng kidnap, dahilan para samahan naman sa PS-5 para sa kaukulang imbestigasyon.
Dahil dito, tinawagan ng biktima ang kinakasama na si Joana at si Macalinao, para magpunta sa istasyon ng pulisya at sunduin ang una.
Subalit pagdating sa presinto, isinailalim sa imbestigasyon si Joana at Macalinao at sa imbestigasyon ni Sr. Insp.Peter Nerviza, napaamin nito na may kinalaman ang dalawa sa kidnap dahilan para magsagawa ng operasyon ang pulisya at kaagad na maaresto ang iba pang suspect sa Bulacan at Maynila nang wala pang 24 na oras.
Sinabi ni MPD Director Chief Supt. Roberto Rongavilla, lumalabas na si Lopera ang mastermind ng grupo at may dalawa pa silang suspect na tinutugis na may dala ng P5.8-M pang ransom na bahagi ng P10-milyon ransom money na ibinayad ng biktima.
Nalaman na si Lopera ay dating syota ni Joana na ngayon ay kinakasama ng biktima na siyang nagplano sa gagawing pagkidnap at paghingi ng ransom sa dayuhan.
- Latest
- Trending