MANILA, Philippines - Isang rider ang patay habang sugatan naman ang angkas nito matapos na sumalpok ang sinasakyan nilang motorsiklo sa isang pampasaherong bus sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa lungsod Quezon kahapon.
Ang biktima na nahirapan pa bago matanggal sa pagkakaipit sa gulong ng bus ay nakilala sa pamamagitan ng identification card na si Rizalino Pedroso, 49, ng Ocampo St., Pook Amorsolo, UP Diliman, sa lungsod.
Habang ang angkas nitong wala pang pagkakakilanlan ay ginagamot naman sa East Avenue Medical Center.
Agad namang tumakas ang driver ng nakabanggang bus matapos ang insidente.
Ayon sa inisyal na ulat ng pulisya, nangyari ang insidente sa may Commonwealth Avenue, panulukan ng University Avenue, east-bound lane ganap na alas-3:20 ng hapon.
Binabagtas ng Jayross Bus (TXW-606) na may biyaheng Fairview-Litex galing Philcoa ang nasabing lugar nang biglang salpukin nito ang motorsiklo ng mga biktima.
Sa lakas ng pagkakasalpok ay pumailalim sa gulong ang motorsiklo maging ang biktima, sanhi para magtamo ng labis na pinsala sa katawan ang mga ito.
Sa ngayon, patuloy ang pagsisiyasat ng Traffic Sector 5 sa nasabing insidente.