MANILA, Philippines - Marahil dahil hindi kayang buhayin, iniwan ng isang ina ang kanyang sanggol na babae sa tapat ng isang kumbento, kahapon ng madaling-araw sa Parañaque City.
Dakong alas-2:30 ng madaling araw nang gisingin ng kahulan ng mga aso at iyak ng sanggol ang mga madre na nanunuluyan sa Daughters of Charity sa San Martin de Forres sa East Service Road, South Expressway, ng naturang lungsod.
Agad na ipinasok ng mga madre ang naturang sanggol sa loob ng kumbento kung saan nadiskubre ang kaawa-awang kalagayan nito dahil sa sobrang payat.
Dinala naman ang naturang sanggol sa San Juan de Dios Hospital upang bigyan ng karampatang pagsusuring medical upang mabatid kung may iniinda itong karamdaman at para agad na malunasan.
Isa rin namang walang pusong ina ang ipinalaglag ang kanyang dinadala, dinurog ang katawan at ipatapon sa dalawang binatilyo sa Pasig City kahapon rin ng madaling araw.
Iniimbestigahan na ngayon ng pulisya ang dalawang binatilyo na itinago ang pagkakakilanlan na naaktuhan ng mga barangay tanod na nagtangkang itapon ang fetus sa Molave Street, Sikat Araw Village sa naturang lungsod. Inaalam sa kanila ang pagkakakilanlan ng ina ng naturang fetus upang mapanagot sa batas.
Nabatid na nasa anim hanggang pitong buwang gulang ang fetus na ibinalot sa asul na tela at ipinasok sa dilaw na paper bag. Durog na durog rin umano ang katawan ng naturang fetus, ayon sa pulisya.