Lola kritikal sa 'Akyat-bahay'

MANILA, Philippines - Agaw-buhay ang isang 60-anyos na lola nang saksakin ito ng dalawang kalalakihan na naaktuhan nitong nagnanakaw sa loob ng kanilang bahay kahapon ng umaga sa Navotas­ City. Inoobserbahan at nilalapatan ng lunas sa Mary Johnston­ Hospital ang biktimang si Oliva Gallardo, residente ng A. R. Cruz St., Brgy. Tangos ng nasabing lungsod sanhi ng tinamong ilang saksak sa katawan.

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya para sa pagkakakilanlan sa mga suspect na nanloob sa bahay ng biktima dakong alas-3 ng umaga.

Nabatid, na mahimbing na natutulog ang biktima sa loob ng kanyang kuwarto nang makarinig ito ng ingay dahil sa ginagawang pagwasak ng mga suspek sa plastic cabinet ni Gallardo. Nang tunguhin nito ang pinagmumulan ng ingay ay doon niya naaktuhan ang pagnanakaw ng mga suspect. Nagtangka itong humingi ng tulong sa kanyang mga kapitbahay subalit inunahan siyang saksakin ng mga salarin.        

Mabilis namang nagsitakas ang mga suspect nang humandusay na ang lolang biktima.

Show comments