MANILA, Philippines - Hindi lahat ng kongresista ay sangkot sa droga.
Ito ang nais patunayan ng tatlong bagitong kongresista matapos na personal na magpasa-ilalim sa drug test sa tanggapan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kahapon.
Ang tatlong kongresista na nagpa-drug test ay sina Alfredo Benitez, ng 3rd district ng Negros Occidental, Emmeline Aglipay ng Diwa partylist, at Cezar Sarmiento, ng Catanduanes.
Ayon kay Benitez, ang kusang loob na kanilang pagpapa-drug test ay upang malaman ng kanilang nasasakupan na hindi sila gumagamit ng droga.
Iginiit ng tatlo na mas maganda na anya na ginagawa na nila ito kaysa isipin pa ng publiko na mayroon pa rin sa kanilang hanay na sangkot sa paggamit ng droga.
Naging isyu ang droga sa hanay ng kongresista bunga na rin ng kinasasangkutan ni Ilocos Sur Congressman Ronald Singson na ngayon ay nakapiit sa Hongkong matapos mahatulan sa kaso ng droga.
Nilinaw ni Benitez na walang sinumang nag-udyok sa kanilang magpa-drug test kundi kusang loob nila ito base na rin sa adhikaing mabago ang imahe ng Kamara.
Bukod dito, plano din ng mga kongresista na maisulong ang batas para sa pagsasailalim ng mandatory drug testing sa lahat ng mga kongresista sa bansa.
Nilinaw ni Benitez, may 12 kongresista sana sila na magpapa-drug test ngunit ang iba ay may ibang aktibidad na hindi agad puwedeng iwan kung kaya silang tatlo na lamang ang unang nagsagawa nito.
Hihilingin na rin ng mga mambabatas kay House Speaker Feliciano Belmonte na magsagawa ng periodic drug test sa lahat ng miyembro ng Mababang kapulungan ng Kongreso.