Pasahero pumalag sa holdap, utas

MANILA, Philippines - Hindi umubra ang tapang ng isang pasahero matapos na manlaban nang barilin at mapaslang ito ng isa sa dalawang holdaper na sumalakay sa isang pampasaherong bus, kahapon ng umaga sa Parañaque City.

Naisugod pa sa Olivarez Medical Hospital ang biktimang si Ranel Villa, ngunit hindi na rin umabot ng buhay dahil sa tama ng bala sa likod.

Sa ulat ng Parañaque police, dakong alas-9:29 ng umaga nang magdeklara ng holdap sa loob ng bus ng AC Bus Transit (PVP-185) ang dalawang salarin habang binabagtas ang EDSA sa may Malibay, Pasay City.

Nabatid na walo na lamang ang natirang sakay ng naturang bus na patungong Baclaran kabilang na si Villa. Tinutukan ng baril ng isa sa holdaper ang driver ng bus at sinabihan na ipagpatuloy ang pagmamaneho habang inisa-isa naman ng kasamahan nito ang pagkulimbat sa mga mahahalagang gamit at pera ng mga pasahero.

Nanlaban umano si Villa nang tangkain nitong agawin ang baril ng holdaper ngunit nabigo ito sanhi upang barilin siya ng salarin.

Inutusan naman ng mga holdaper ang driver na ipagpatuloy ang pagmamaneho at bumaba lamang nang sumapit ang bus sa may Kabihasnan, Parañaque City saka lamang naisugod sa pagamutan ang biktima.

Namukhaaan naman ng isa sa mga pasahero ang mga holdaper na may bingot habang ang isa ay nakilala sa photo gallery na kabilang sa talaan ng mga wanted na kriminal sa lungsod.

Show comments