Prof timbog sa pangmo-molestiya ng stude

MANILA, Philippines - Isang college professor ang nahaharap sa kasong acts of lasciviousness sa Que­zon City prosecutor dahil sa umano’y pang-aabuso sa isa niyang estudyante sa lungsod.

Ayon kay Superintendent Audie Madrideo, hepe ng Station 2 ng Quezon City Police District (QCPD), si Rogelio Plaza, 30, ay isinalang sa inquest proceedings sa kasong acts of Lasciviousness sa sala ni Fiscal Nilda Ordono.

Sinabi ng opisyal, si Plaza ay inaresto noong Huwebes matapos na akusahan ng isa niyang estudyanteng itinago sa pangalang Marie na nangmolestiya sa kanya sa pamamagitan nang panghahawak sa maselang parte ng kanyang katawan habang ang huli ay lango sa alak nitong nakaraang Marso 2.

Base sa ulat, ang biktima ay computer science major sa University of Manila kung saan isa si Plaza na kanyang professor.

Ayon kay Marie, bago ang insidente noong March 1 inatasan siya ng professor na magsulat sa 20 pahina ng yellow paper, kabilaan para ipaliwanag kung bakit siya absent noong February 17. At ang deadline ay sa March 2.

Bagama’t sumang-ayon siya na gawin ang iniuutos nito, nakatanggap ang biktima ng mensahe sa text habang nasa klase ni Plaza na nag-iimbita sa kanya na lumabas at mag-inuman.

Tumanggi umano si Marie dahil mas kailangan niyang gawin ang iniuutos sa kanya nitong paper work.

Sinabi ni Marie na gusto na anyang kalimutan ni Plaza ang tungkol sa paper work kung tatanggapin nito ang inaalok sa kanyang lumabas at uminom. Kahit na umano nasa kanyang inuupahang apartment ang biktima ay patuloy na nangungulit ang akusado na lumabas sila.

Ipinagtapat ni Marie ang sitwasyon sa kanyang ka-roomate hanggang sa mapapayag na rin ito pero sa kondisyon na gagawin ang inuman sa kanilang tinutulu­yan kasama ang room mate.

Matapos ang klase noong March 2, ganap na alas -9 ng gabi ay nagpunta si Plaza sa unit ni Marie. Habang wala pa ang room mate ni Marie dahil natrapik, pinilipilit ni Plaza na mag-inuman na sila.

Ayon kay Madrideo, ma­aaring nilagyan ng droga ang inumin ng biktima dahil mabilis itong nahilo kahit ilang beses pa lang ang inuman.

Dito na sinamantala ni Plaza ang sitwasyon at si­nimulang paghahawakan ang maselang parte ng katawan ng biktima habang nagsa­salita ng kalaswaan sa kanya.

Gayunman, dumating agad ang room mate ng biktima at ilang minuto pa ang nakalipas bago binuksan ni Plaza ang pinto.

Nagtaka ang room mate ng makita si Marie na nasa kama at walang malay dahilan para humingi ito ng tulong sa barangay at ipaaresto si Plaza.

Show comments