MANILA, Philippines - Hinostage ng kaniyang lasing na tatay ang isang tatlong taong gulang na batang babae sa Mandaluyong City kahapon ng umaga, matapos umanong mag-away ang suspek at live-in partner nito dahil sa selos.
Nasa maayos ng kondisyon nang mailigtas ang bata na itinago sa pangalang baby Kris at sumuko rin matapos ang isang oras na hostages drama ang suspek na si Mark Alumino, 28.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nabatid na naganap ang insidente dakong alas-6 ng umaga sa loob ng kanilang tahanan, matapos umanong magkaroon nang pagtatalo ang suspek at ang live-in partner nito.
Sinasabing nagseselos ang lasing na suspek sa kanyang live-in partner kaya’t nagkaroon nang mainitang pagtatalo sa pagitan ng dalawa.
Sa gitna ng away ay nagbanta umano ang babae na lalayas na lamang kaya nagawang i-hostage ni Mark ang kanilang sariling anak gamit ang isang patalim.
Nagawa namang pakiusapan ni Barangay Chairman Rodolfo Posadas at mga tauhan ng Mandaluyong pulis ang suspek na huwag saktan ang bata at sumuko ng maayos.
Desidido naman ang babae na ipakulong muna si Mark para umano magbago dahil parati rin siyang sinasaktan tuwing nagseselos at nalalasing ito.