Bagets na holdaper, utas
MANILA, Philippines - Patay ang isang bagets na holdaper makaraang mabaril ng pulis, habang tatlo pang kasamahan nito ang bugbog-sarado naman matapos kuyugin ng taumbayan nang mangholdap sa isang pampasaherong jeep sa Adriatico, Malate, Maynila, kahapon ng umaga.
Dead-on-arrival sa Ospital ng Maynila ang suspect na si Marvin Bagunas,17, ng Letran Guadalupe, Makati, sanhi ng tinamong tama ng bala sa likod.
Arestado naman ang tatlong nabugbog na kasamahan nito na sina John Rocell Asis, 15; Marco Ong, 18; at Daniel Lesaca, 22, pawang residente ng Makati City at miyembro umano ng Sigue-sigue Sputnik gang habang nakatakas ang isang Mario Bagunas, 16, kapatid ng nasawi.
Pormal namang naghain ng reklamo sa tanggapan ng MPD-District Police Mobile Unit (DMPU) ang driver ng dyip na may rutang Baclaran-Mabini-Divisoria (PWW-718) na si Rolando Hugo, 50, laban sa mga suspect.
“Alas-9 ng umaga nang sumakay ang mga ’yan sa jeep ko. Tinutukan ako ng isa, ang sabi sa akin diretso ka lang habang ’yung mga kasama niya nililimas ang mga gamit ng pasahero ko. Nakita ko ’yung mobile kaya idinikit ko kaagad ’yung dyip kaya naglundagan pababa ng dyip ’yung mga holdaper. Nakarinig ako ng putok ng baril at ’yung mga pasahero ko nagpulasan na rin pababa sa takot,” ani Hugo.
Itinanggi ng mga suspect na sila ay holdaper at nangatwiran na namumulot sila ng basura at patungo umano sa junkshop para magbenta.
Iginiit naman ng mga tauhan ng DMPU na madalas na makita ang mga bagets na lumalakad ng holdap, sila umano ay dating street children na rumuruta sa Lagusnilad hanggang Mabini at sa Blumentritt, Antipolo St.
- Latest
- Trending