Lola uli nasagasaan, tinakbuhan ng 5 sasakyan
MANILA, Philippines - “Akala nga namin, botcha na ikinalat lang sa daan, pero nang tingnan namin, yun pala isang tao, na nagkapira-piraso ang katawan.”
Ito ang sinabi ng pulisya sa kalunus-lunos na sinapit ng isa na namang hindi nakikilalang matandang babae na nabiktima ng hit-and-run ng may limang sasakyan sa kahabaan ng Commonwealth Avenue, sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.
Ayon sa Traffic Sector 5, dahil pawang nagkaputul-putol ang katawan ng biktima, halos hindi na ito matukoy ng mga rumespondeng awtoridad habang nagkalat sa nasabing kalsada.
Sa pagsisiyasat ni SPO4 Nelson Apostol ng TS5, nangyari ang insidente sa may north-bound lane ng Commonwealth Avenue, Brgy. Central, ganap na alas-4 ng madaling-araw.
Sinasabing nasa madilim na bahagi ng kalsada ang biktima nang salpukin ito ng isang sasakyan. Nang bumulagta sa kalsada ang biktima ay tuluyan na itong sinagasaan ng apat na sasakyan na patungo sa Fairview.
Ayon kay SPO4 Apostol, dahil na rin sa magkakasunod na mga sasakyan na nakasagasa sa biktima ay literal na nagkalasug-lasog ang katawan nito sa kalsada na siyang dahilan para hindi ito makilala.
Sinasabing maaaring hindi napansin ng mga kasunod na sasakyan ang biktima matapos mabangga dahil madilim ang lugar at hindi nila ito nakitang nakahiga sa kalsada.
Subalit, dahil walang nakakita sa pangyayari ay blangko ngayon ang awtoridad kung sino ang dapat papanagutin sa pangyayari.
Ito ang pangalawang pagkakataon na isang matandang babae ang nabiktima ng hit-and-run sa lungsod Quezon na hanggang ngayon ay hindi pa rin matukoy ang pagkakakilanlan ng mga nakabanggang sasakyan.
- Latest
- Trending