18 establishments lumabag sa fire safety code

MANILA, Philippines - Ibinunyag kahapon ng Department of Interior and Local Government (DILG) na may 18 establisyemento sa Metro Manila ang lumabag sa ipinatutupad na fire safety standards and regulation o fire code law na ipinatutupad ng Bureau of Fire Protection (BFP).

Kaya naman, ayon kay DILG secretary Jesse Rob­redo, inatasan na niya ang kagawaran ng BFP na pilitin ang may-ari ng nasabing mga establisyemento na iwasto ang kanilang problema upang hindi na mapatawan pa ng anumang parusa.

Sa natanggap na impormasyon ng Kalihim, ang nabanggit na gusali na luma­labag sa fire safety code ay ang ilang paaralan, hotels, at commercial building, kung saan anim sa mga ito ay sa lungsod ng Manila, lima sa Makati City, tatlo sa Quezon City, at tig-dalawa sa Malabon at Pasay City.

Inatasan ni Robredo ang BFP na bigyan ng 15 araw na palugit ang mga may-ari ng gusali para gawin ang pagsusuri at itama ang mga nabanggit na pagkakamali.

Banta ng Kalihim, sa sandaling natapos ang panahon na ibinigay sa kanila at bigo pa rin silang mapunan ito ay maaaring irekomenda na ang suspension sa kanilang mga permit o isarado na ang kanilang negosyo.

Show comments