Tindero niresbakan ng kaaway, patay
MANILA, Philippines - Patay ang isang 27-anyos na tindero makaraang pagsasaksakin ng mortal nitong kaaway na rumesbak sa ginawa nitong pananaksak din sa kanya tatlong buwan na ang nakakalipas, kamakalawa ng hapon sa Pasay City.
Agad na nasawi dahil sa dami ng tinamong saksak sa katawan ang biktimang nakilalang si Voltaire Agendo, 46, ng F.B. Harrison Street, Pasay.
Pinaghahanap naman ang agad na nakatakas na salarin na si Robert Padino, kapitbahay ng biktima.
Sa ulat ng Pasay police, naganap ang pamamaslang dakong alas-2 ng hapon sa tapat ng isang bakery sa may F.B. Harrison Street. Bumibili ng pandesal ang biktima nang biglang lapitan buhat sa likuran ng suspek at sunud-sunod na undayan ng saksak.
Napag-alaman naman sa mga kapitbahay ng biktima na gumanti lamang umano si Padino. Nabatid na nitong nakaraang Disyembre 2010 ay sinaksak din ni Agendo si Padino na nagawang makaligtas sa kamatayan.
Sinampahan naman ng kaso ni Padino sa korte ngunit nainip sa kabagalan ng takbo ng kaso kung saan nakakalaya pa rin si Agendo kaya ito na ang gumawa ng aksyon nang siya na ang magpataw ng inaakalang tamang parusa laban sa kagalit.
- Latest
- Trending















