P1.2-M sabon at shampoo, tangay sa haydyak
MANILA, Philippines - Limang hijacker kabilang ang dalawang nakasuot pa ng uniporme ng pulis ang hinahanting ngayon ng Manila Police District (MPD) makaraang tangayin ang isang truck na naglalaman ng mga produktong sabon, toothpaste at shampoo na nagkakahalaga ng P1.2 milyon, sa Sampaloc, Maynila, iniulat kahapon.
Isa sa suspect ang kinilalang si Ruel Flores, na umano’y miyembro ng notoryus na “Arceo gang”, na namukhaan ng mga biktimang sina Marvin Santos, 32, pahinante at driver ng hinaydyak na 10-wheeler wingvan Isuzu truck (RAZ-758) sa photo gallery na ipinakita ni C/Insp. Randy Maluyo ng MPD-Anti-Carnapping and Hijacking Section.
Sa imbestigasyon ni SPO2 Rodrigo Guina, naganap ang panghahaydyak bandang alas- 11:00 ng gabi sa Dimasalang St., Sampaloc, nang harangin ang mga biktima ng riding in tandem na sakay ng Mio motorcycle.
Agad na pinababa ang driver na si Santiago at inutusan na buksan ang likod ng truck nang biglang sumulpot ang 3 lalaking suspect at inakyat ang kanilang truck.
Galing umano sila sa Cabuyao, Laguna at patungong CSI Supermarket sa Dagupan City, sa Pangasinan, kung saan nakatakdang ideliber ang kargang produkto.
Nang tangkaing isara ng pahinante ang pintuan ng truck ay sinuntok, sinampal siya ng isa, na sa huli ay kinilalang si Flores.
Nagsiakyat ang tatlo pang suspect sa truck at saka pinasibad habang iginapos naman ang driver at pahinante at tinakpan ng kumot sa may likod na upuan.
Maya-maya pa ay narinig ng mga biktima ang mga kalabog na idinidiskarga ang laman ng truck.
Ayon pa sa mga ito iniwan sila at sa sobrang pawis umano sa pagkakadapa sa loob ng mahigit 3 oras ay nakalas ang packaging tape hanggang sa makawala na sila at nagreport sa pulisya. Doon nila natuklasang nasa bahagi na sila ng Pioneer St., bahagi ng Pasig City.
- Latest
- Trending



















