Rape sa presinto, pulis inireklamo
MANILA, Philippines - Isa na namang alagad ng batas ang nasangkot sa kaso ng panggagahasa sa mismong himpilan ng pulisya matapos na magreklamo ang isang tour guide na dalaga sa lungsod Quezon kahapon.
Ang insidente ay nabatid makaraang personal na dumulog sa tanggapan ng Quezon City Police District Press Corps ang boyfriend ng biktimang si Rosa, 26, para humingi ng tulong kaugnay sa reklamong panggagahasa ni PO1 Rodrigo Bajog, nakatalaga sa PS12 ng QCPD sa kanyang nobya.
Base sa ipinakitang sinumpaang salaysay ng biktima kay SPO2 Florence Constanilla ng PS12, nangyari ang insidente noong February 22, 2011 sa loob ng PS12 ng QCPD sa Eastwood na matatagpuan sa C5 Road, corner Richmond St., Brgy. Bagumbayan sa lungsod ganap na ala-1:20 ng madaling-araw.
Sinabi ng biktima, nag-ugat ang pang-aabuso ng hulihin ang biktima ng kagawad ng PS12 dahil sa reklamo ng isang taxi driver ng hindi pagbabayad ng pamasahe.
Habang nakapiit sa selda ng pambabae ay napuna ng biktima si PO1 Bajog na lasing na sinabihan siya na sumama sa kanya.
Nang tanungin ng biktima ang suspect ay bigla umanong inilabas ng pulis ang kanyang baril sabay tutok sa kanya at pilit na inilabas sa kulungan, saka dinala siya sa conference room sa ikalawang palapag kung saan naganap ang pang-aabuso.
Nang makaraos ay saka binantaan siya ng suspect na huwag magsusumbong kanino man, saka pinababa sa nasabing presinto.
Subalit ang insidente ay agad niyang ipinaalam sa isang opisyal ng istasyon na si Major Plan na agad namang umaksyon at pinahanap si Bajog, pero wala na ito sa presinto.
Samantala, kinumpirma naman ni Capt. Castillo ang naturang insidente kung saan inamin nitong tinutugis na nila si Bajog para sagutin ang naturang insidente.
- Latest
- Trending



















