MANILA, Philippines - Hiniling ni Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte sa Department of Interior and Local Government (DILG) na matulungan sila na maigiit ang pagrerebyu sa Juvenile Justice and Welfare Act bunsod na rin ng tumataas na bilang ng mga kabataan na umano’y nagagamit ng mga criminal elements para sa kanilang illegal activities.
Sa ulat, sinasabing tumataas ang bilang ng mga menor de edad na nagagamit bilang mga drug couriers at miyembro ng “akyat-bahay” gang at ilan pang elementong kriminal.
Sinabi ni Belmonte na kailangan pa ring lagyan ng dagdag na ngipin ang naturang batas upang masugpo ang paggamit ng mga sindikatong kriminal sa mga kabataan.
Ang Juvenile Justice Law ay naipasa noong 2005 pero ang mga kabataang may edad 15-anyos pababa ay hindi napaparusahan ng batas hinggil dito.
“What we need is to provide a holistic approach in the treatment and rehabilitation of children in conflict with the law to make them productive citizens when they return to their families and communities,” pahayag ni Vice Mayor Belmonte.
Ang mga youth offenders sa QC ay inilalagak sa Molave Youth Home, ang lugar bilang detention at rehabilitation center para sa mga ito para mapaunlad ang sarili bilang miyembro ng komunidad.