MANILA, Philippines - Tatlong kalalakihan na pinaniniwalaang miyembro ng sindikato na nagnanakaw ng bigas ang nadakma makaraang maaktuhan na idinidiskarga ang may saku-sakong bigas mula sa delivery truck, kamakalawa ng hapon sa Caloocan City.
Pormal na kinasuhan ang mga nadakip na suspek na sina Juan “Johnny” Avilar, 47; Rogelio Manlapaz, 33, kapwa naninirahan sa Toronto Street, Vista Verde Subd. sa Brgy. Kaybiga; at si Dante Baesa, 32, ng Block 7 Lot 9 Whispering Palms Subd., sa nabanggit na barangay.
Tugis naman ang isa pang suspek na si Socito Bornio Jr., ng Brgy. Catmon, Malabon City.Base sa police report, sinabi ni Ernesto Luzano, 63, may-ari ng Luzano Rice Mill sa Tayug, Pangasinan, na umalis sa kanilang rice mill ang mga kawaning sina Bienvenido Satur, driver; mga pahinanteng sina Michael de Asis at Betoy Satu noong Pebrero 25 upang ideliber ang 550 sako ng bigas lulan ng 10-wheeler truck sa Quezon City.
Ayon sa mga tauhan ng MC Grain Mercantile, may 35 sako lamang ng bigas ang kanilang tinanggap at pinabalik ang nalalabing 515 sako nang matuklasan na kulang sa timbang ang mga ito. Sa halip naman na bumalik ang delivery truck sa Luzano Rice Mill, ay hindi na sumasagot sa tawag ni Luzano ang driver na si Satur.
Nakatanggap naman ng impormasyon ang pulisya kaugnay sa mga saku-sakong bigas ang idinidiskarga sa Burdado Avenue, Del Mundo, Llano, Caloocan kung saan nadakip ang tatlong suspek habang nakatakas si Bornio.
Pinaghahanap naman ng pulisya ang nawawalang driver na si Satur at mga pahinante nito na maaring biktima ng highjacking o maaaring kasabwat rin ng sindikato ng Buriki Gang.