MANILA, Philippines - Napatay habang papatakas ang isang lalaki matapos nitong barilin at mapatay ang isang Chinese national, kamakalawa ng gabi sa Pasay City.
Nakilala ang nasawing gunman na si Conrado Valenzuela, 32, driver, ng Tramo, Sucat, Parañaque City habang nakilala rin ang nabaril at napatay nitong biktima na si Pao Chen Chiang, 54, Chinese-English interpreter, at naninirahan sa San Rafael, San Marcelino, Zambales.
Sumuko naman sa pulisya ang sekyu na nakabaril sa suspect na si Ian Colite, miyembro ng Eagle Security Agency ng Pasay City.
Sa ulat ng Pasay police, naganap ang barilan dakong alas-10:45 ng gabi sa loob ng isang coffee shop sa may Blue Wave Strip sa Macapagal Avenue.
Nakikipagkuwentuhan ang biktimang si Pao sa mga kapwa Chinese national nang lumapit si Valenzuela at agad na dalawang beses pinaputukan nang malapitan sa ulo ang Tsino.
Tinangkang tumakas ng salarin kung saan kinumander ang isang taxi (TZX-561) na minamaneho ni Jonathan Hemor ngunit agad itong naharang ng rumespondeng sekyu na si Colite.
Nagpaputok muna ng warning shot si Colite ngunit gumanti ang salarin nang paputukan ang sekyu na masuwerteng hindi tinamaan.
Dito na gumanti ng putok si Colite kung saan napuruhan ang salarin na tamaan sa may pisngi. Nagawa pa namang makapang-agaw muli ng Nissan pick-up ng salarin at pinasibad ito.
Naabutan naman ng mga humahabol na awtoridad si Valenzuela sa isang madilim at madamong lugar sa may Macapagal Avenue kung saan nawalan na ito ng malay. Isinugod pa ang salarin sa Pasay City General Hospital ngunit hindi na ito umabot ng buhay.
Nagsasagawa ngayon ng mas malalim na imbestigasyon ang pulisya upang mabatid ang motibo ng naturang pamamaslang kung saan inaalam kung may personal na alitan ang biktima at salarin o isang bayarang hitman si Valenzuela.