'Sintunado' binoga, patay
MANILA, Philippines - Dahil sa pagwawala matapos na kantiyawan na sintunadong kumanta, isang binata ang binaril at napatay ng hindi pa nakikilalang suspek kahapon ng madaling araw sa Malabon City.
Nakilala ang nasawi na si Archie Bayud, 22, ng Brgy. Tonsuya ng nabanggit na siyudad na nagtamo ng tama ng bala ng baril sa ulo at leeg.
Nagsasagawa pa ng follow-up operation ang mga kagawad ng Malabon City Police laban sa hindi pa nakikilalang suspek.
Naganap ang insidente dakong alas-12:45 ng madaling araw sa isang peryahan sa Paradise Village sa nabanggit na barangay.
Nabatid na lasing na ang biktima nang lapitan nito ang suspek habang kumakanta. Inagaw ng biktima ang microphone sa suspek at siya ang kumanta.
Kinantiyawan naman ng suspect ang biktima sa sintunado umano nitong pagkanta hanggang sa magalit ang huli sa una at pinagmumura.
Dahil dito tuluyang naasar ang suspect at binunot ang dalang baril saka binaril sa biktima na naging dahilan ng agaran nitong kamatayan. Mabilis namang tumakas ang suspect.
- Latest
- Trending