'Wala akong alam d'yan' - LTO chief
MANILA, Philippines - Mariing pinabulaanan ni LTO chief Virginia Torres ang alegasyon na siya ay nameke ng dokumento para sa pagrerehistro ng nakaw na sasakyan noong siya ay hepe ng LTO Office sa Tarlac kasabay ng pagsasabing may mga naninira lamang sa kanya.
Ang pahayag ay ginawa kahapon ni Torres bilang reaksiyon sa balitang sangkot siya sa naturang anomalya.
“Once and for all, gusto ko nang tapusin ang isyung ito dahil paulit-ulit na lang ito at matagal na nating nasagot ito at nalinaw, bahagi ito ng demolition job laban sa akin,” pahayag ni Torres.
Sinabi nito na batay sa rekord ng LTO Main Office, pinapakita rito na ang special plate RJP 111 na kinukuwestyon ay naaprubahan para gawin sa LTO main office.
Bilang standard procedure, lahat ng special plate na kinukuwestiyon ay na-manufacture sa central office na naipadadala naman sa requesting district office para sa tamang pagre-release sa may-ari nito.
Kaugnay nito, sinabi ng PNP-Highway Patrol Group (PNP-HPG) na wala silang hawak na ebidensiya na magdadawit kay Torres sa sindikato ng carjacking. Wala rin daw silang iniisyung pahayag na nagsasangkot sa LTO sa naturang anomalya.
Kasabay naman nito, inatasan ni Justice Secretary Leila de Lima ang prosecutor na may hawak ng kaso ni Torres na madaliin ang pagresolba sa sinasabing ilegal na pagpaparehistro nito ng sasakyan noong 2009 at ireport sa kanya kung ano na ang status nito.
- Latest
- Trending